
SA hudyat ng papalapit na kapaskuhan, muling umarangkada ang operasyon ng mga sindikato sa likod ng agri-smuggling, ayon sa Bureau of Customs (BOC), kasunod ng pagkasabat ng hindi bababa sa 25 toneladang puting sibuyas galing sa bansang China.
Sa pagtataya ng BOC, tinatayang P3.5 milyon ang halaga ng nasamsam ng sibuyas na laman ng 40-foot container sa operasyon ng kawanihan kasama ang Bureau of Plant Industry (BPI).
Sa datos ng BOC, lumalabas na dalawang lokal kumpanya ang nakatalang importer — ang JRA at Pearl Enterprise Inc.
Batay sa ulat na isinumite sa Department of Agriculture, buwan ng Hulyo pa dumating sa Port of Manila ang naturang kargamentong lulan ng barkong Green Pacific.
Bago pa man dumaong ang naturang barko, una nang pinasuspinde ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa BPI ang paglalabas ng import permits.