NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MALAKING gantimpala ang posibleng dahilan sa likod ng pamamaslang Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng Baybay City Sub-Provincial Jail noong Nobyembre 2016, ayon kay Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop.
Sa nakaraang pagdinig ng quad comm sa extrajudicial killings (EJK) sa likod ng all-out-war na ikinasa ng nakalipas na administrasyon, inamin mismo ni Col. Marvin Marcos na dating hepe ng regional chief ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Eastern Visayas, na inutusan niya ang isang Major Leo Larraga na dakpin si Espinosa (na noo’y nakapiit sa loob ng Baybay City Jail) sa bisa ng arrest warrant.
“Iyong puzzle po ninyo, kaya nag-apply sila ng search warrant para makapasok at mapatay nila yung tao. May reward yung patay, eh. Iyong buhay, wala, eh,” wika ng dating heneral at miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Magiting Class of 1970, na sinang-ayunan naman ni quad comm lead chair at Surigao del Norte Robert Ace Barbers.
Base sa police report, si Espinosa ay napatay matapos umanong manlaban sa CIDG personnel na maghahain sa kanya ng search warrant bunsod ng sinasabing pagtatago ng mga ilegal na armas sa loob ng selda nito.
Kabilang si Albuera sa mahabang talaan ng mga alkaldeng tinukoy ni former Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal na droga o kabilang sa hanay ng tinaguriang narco-politicians.
Sa nasabi ring quad comm hearing, nagkaroon nang palitan ng kuro-kuro sina Barbers, Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, at Marcos tungkol sa pagkamatay ni Espinosa.
Paulit-ulit na tinanong ng dalawang mambabatas ang police colonel kung bakit kinakailangan ng CIDG team na kumuha ng search warrant laban kay Espinosa, na nakakulong sa Baybay City.
Ipinagtataka rin ni Barbers at Paduano kung bakit kailangan ni Marcos utusan si Larraga dakpin ang nakakulong ng alkalde ng Albuera.
“I heard you said na you ordered Maj. Larraga to arrest si Mayor Espinosa, why would you make such an order eh hindi lang siya arestado, naka-detain na siya. So bakit? What was the logic behind that order?” tanong ni Barbers kay Marcos.
Magpapaliwanag sana si Marcos hinggil sa bitbit na search warrant subalit pinutol siya ng Surigao del Norte lawmaker.
“No, no, yung arrest order that you ordered Maj. Larraga to implement. Sinabi mo kasi kanina I ordered Maj. Larraga to arrest Mayor Espinosa. Hindi ba naka-detain na siya?” pag-uusisa pa ni Barbers.
“Yes sir. But if we will have a positive result based on the implementation of the search warrant on illegal drugs and possession of firearms, we will also arrest him to file another case because it would be a separate case dun sa nakakulong po siya, kasi ibang kaso po yun sir,” tugon ni Marcos.
“It’s still a puzzle to me na kung bakit nagkaroon ng order na kinakailangan pa pala ng search warrant sa loob ng kulungan. Di ba normally ang ginagawa nyo Oplan Galugad. Paggalugad, meron kayong info dun sa loob. Hindi naman na kailangan ng search warrant.”
