PORMAL nang inanyayahan ng quad committee ng Kamara si former President Rodrigo Duterte na nagpahayag ng kahandaan harapin ang mga paratang kaugnay ng extrajudicial killings na di umano’y bahagi ng madugong giyera kontra droga.
Sa isang panayam sa SMNI News, nanindigan si Duterte laban sa paratang ni retired Colonel Royina Garma na kanyang itinalaga bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong siya pa ang Pangulo ng bansa.
Para kay Duterte, walang dahilan para gipitin di umano ng pamunuan ng Kamara ang mga dating opisyales para magsalita laban sa kanya.
“I would be happy if the quad-committee will invite me to the succeeding hearings, if they would want specific answers, or if they might want me to clarify, answer or explain or whatever. I’m ready for that,” wika ng dating Pangulo.
“Ako na mismo ang tawagin nila at ibibigay ko sa kanila ang sagot na gusto nila. Ang gusto nila, hindi ang ko gusto. As a matter of fact, magtatanong ako sa kanila before the start of any official proceedings, sasabihan ko sila anong gusto ninyo na marinig sa bunganga ko. Ganoon. Ibibigay ko sa kanila. Bahala sila kung ano gusto nilang itanong,” dugtong ni Duterte.
Hindi rin aniya totoo ang testimonya hinggil sa gantimpalang ibinibigay ng pamahalaan sa mga operatibang bahagi ng madugong giyera kontra droga.
“Ang pinakaano ng mga pulis sa akin is pag mission accomplished, yayain ko sila sa restaurant, magkain kami and I congratulate them. Saka palainom ang pulis. Bigyan mo ng dalawang boteng scotch,” sambit ng dating punong ehekutibo.
“Hindi yan tatanggap ng pera. Nahihiya yan,” aniya pa.
Kung meron man aniyang pabuya sa anyo ng pera, yun ay ang karagdagang pondo para sa mga police operation — “Yan siguro ang sinasabi nilang reward.”
Sa ilalim ng anim na taong panunungkulan ni Duterte, umabot sa 6,000 katao ang pinaslang sa operasyon ng pulisya laban sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot, batay sa opisyal na datos ng Philippine National Police (PNP).
“Hindi ako aatras diyan. Sasagutin ko silang lahat at marami akong sasabihin sa taumbayan,” pahabol ni Duterte.
