AGAW-BUHAY sa isang pagamutan sa lungsod ng Maynila ang isang 11-anyos na dalagita matapos tamaan ng bala sa gitna ng sagupaan ng dalawang grupo ng kabataan sa Tondo.
Sa tulong ng CCTV, arestado sa mga rumespondeng miyembro ng Manila Police District (MPD) ang isang gang member na di umano’y kasama sa kaguluhan sa kahabaan ng Kalye Sandico kung saan nagpalitan ng putok ang dalawang grupo gamit ang sumpak at pistola.
Kwento ng mga saksi, bigla na lang bumulagta ang biktima kasunod ng mga putok na narinig hindi kalayuan sa kinatatayuan ng dalagita.
Batay sa medico-legal, galing sa isang pistola ang balang tumama sa hindi pinangalanang dalagita.
“Kritikal siya [biktima] dahil may naiwang bala. Hindi tumagos ang bala, naiwan dito sa may leeg, gumapang daw sa likod,” wika ni Ronnie Depositar na tumatayong chairman sa lugar ng pinangyarihan.
Patuloy naman ang pagtugis sa iba pang sangkot sa gangwar.
