NI LILY REYES
NAKALUSOT man sa bagsik ng bagyong Kristine, hindi na nagawang makaiwas ang hindi bababa sa 140 pamilya sa isa pang trahedya matapos lamunin ng apoy ang kani-kanilang tahanan sa dalawang insidente ng sunog sa Metro Manila.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), unang sumiklab ang sunog sa 60 kabahayan sa Creekville Compound, Barangay Marcelo Green Village sa Parañaque City dakong alas 3:00 ng hapon.
Ayon sa BFP, mabilis na kumalat ang sunog na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang idineklarang fire out bandang alas 5:45 ng hapon.
“Ang dinadaanan namin is puro bakod kasi ‘yong pinaka main entrance nila iisa lang. Buti na lang may mga bakanteng lote, so madaling makapalatag ng hagdanan. Masisikip ang mga kabahayan tapos nandun pa sa ilog. Kaya mahirap din,” wika ni BFP-Parañaque Operations chief S/Insp. Mark Tuto.
Sa tala ng lokal na pamahalaan, apektado sa nasabing insidente ang 120 pamilya.
Sa Quezon City, nagtulong-tulong ang 27 trak ng bumbero para apulahin ang pag lagablab ng isang komunidad sa Barangay Tatalon dakong ala 1:00 ng madaling araw.
Dakong alas 2:40 nang tuluyang naapula ang sunog. Walang naitalang namatay o nasaktan sa sunog na lumamon sa tahanan ng 10 pamilya.
