SA kabila ng umiiral na moratorium sa anumang aktibidad sa Barangka Public Cemetery sa lungsod ng Marikina, ipinagpatuloy ng pangasiwaan ng libingan ang paghuhukay at pagbabaon ng bangkay kapalit kwartang diretso sa bulsa.
Sa reklamo ni Dr. Christopher Guevarra ng tumatayong hepe ng City Epidemiology Surveillance Unit (CESU), at Rolando Dalusong, hepe ng Environmental Health and Sanitation, partikular na tinukoy sina Renato Beltran, Ian Lester Beltran, Irish Santos, Rowell Ogayon, Pablo Papa, at isang “Solayao” na di umano’y nasa likod ng sindikato.
“May existing nga tayong ordinansa pero naglabas ako ng moratorium para huwag na muna maghukay. Papanagutin natin sila sa batas. Kinasuhan na natin ng administratibo at kriminal lahat ng involved na personnel ng Barangka Cemetery,” ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro.
Ayon sa alkalde, may inilabas na siyang direktiba alinsunod sa pinagtibay na ordinansang nagtatakda ng moratorium sa paghuhuhukay at pagbabaon baon ng bangkay para bigyang daan ang rehabilitasyon sa naturang himlayan.
“Meron na tayong na-identify na mga tao na may kagagawan nito. Wala itong authority, wala itong clearance, hinukay nila. Sinamantala rin nila ang pagkakataon para pagkakitaan. Parang isang sindikato nangyari,” dugtong ni Teodoro.
