KALABOSO ang dating sikat na artistang si John Wayne Sace na itinuturong bumaril at nakapatay sa dating barkada sa Pasig City.
Sa paunang ulat ng Pasig City Police, kinilala sa pangalang Eugenio ang biktimang nagtamo ng apat na tama ng bala gamit ang kalibre 45 dakong alas-7:30 Martes ng gabi sa Barangay Sagad ng nasabing lungsod.
Agad naman nadakip si Sace sa isang hotel malapit sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Bago pa man nangyari ang insidente, nagpost sa Facebook ang aktor sa di umano’y pagbabanta sa kanyang pamilya ng mga tulak ng ng ilegal na droga sa Pasig City.
“Nagtutulak kayo ng droga ng palihim Diba? Yun mga Buhay na sinira nyo? May kalaban-laban ba? Yung mga ninakawan nyo? Meron? Wag kayo pavictim.. ilang beses nyo na ko pinagplanuhan katulad kagabi??? Ha Diba? Pag umalis ako papatayin nyo pamilya ko.. hayop kayo,” saad sa kanyang pinakahuling FB post.
Higit na kilala si Sace na kabilang sa mga tinaguriang Star Magic artist na tampok sa iba’t ibang programa sa telebisyon kabilang ang “Home along da Riles,” “Spirits,” “May Bukas Pa,” “Guns and Roses” at “Ang Probinsyano.”
Tampok rin si Sace sa pelikulang Dekada 70 noong 2002.
Taong 2016 nang masugatan sa pamamaril si Sace kasama ang isa pang kaibigan na pinaniniwalaang sangkot sa droga.
Karagdagang Balita
PRICE CONTROL HIRIT SA BENTAHAN NG ISDA
PAOCC IWAS-PUSOY SA PALPAK NA POGO RAID SA ERMITA
CAYETANO POLITICAL DYNASTY, LAGLAG SA COMELEC