
BULILYASO ang planong pagpapalawig ng kontrol ng isang angkan ng mga politiko sa lungsod ng Taguig matapos maspasya ang Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang pagbabalik-politika ng isang dating congressman na naghain ng kandidatura para sa nalalapit na 2025 midterm election.
Ayon sa Comelec, kapos sa sustansya ang aplikasyon ni dating Taguig City 2nd district Rep. Congressman Lino Cayetano na ilipat ang kanyang voters registration sa unang distrito ng lungsod.
Sa 24-pahinang resolusyon, partikular na tinukoy ng Comelec ang deklarasyon nina Cayetano at maybahay hinggil sa di umano’y paninirahan sa Pacific Residences sa Barangay Ususan ng nasabing lungsod.
Ayon sa Election Registration Board (ERB) ng poll body, walang isinumite na ID na patunay ng tirahan gaya ng Philsys ID, Postal ID, Driver’s License, NBI Clearance, GSIS/SSS o UMID ID o Barangay ID.
Gayunpaman, nilinaw ng ERB na tanging pasaporte ang isinumite ng mag-asawang Cayetano bilang dokumento ng pagkakakilanlan at address.
Kabilang sa naging batayan ng Comelec sa pagpapasya ang sinumpaang salaysay ng mga barangay chairman na sakop ng ikalawang distrito ng Taguig.