NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“PARANG gusto nilang maawa sa kanila. Mahirap na rin kasing paniwalaan dahil yun nga, parang budol-budol statement na naman.”
Ito ang tahasang sinabi ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V sa pabago-bagong posisyon ng ilang mambabatas hinggil sa kabuuang halaga ng pondong ilalaan sa Office of the Vice President (OVP) sa susunod na taon.
Ang pahayag ay ginawa ng ranking House official bilang reaksyon sa ulat na may taga-Senado ang gustong madagdagan ang P733 million na 2025 OVP budget na naunang inaprubahan ng Kamara.
“Parang paiba-iba yung statement, Before they (OVP) told the House na bahala na po ang House of Representatives, saka Senate kumbaga doon sa hatol sa budget nila. Pero ngayon parang nag-iiba yung statement,” ani Ortega.
Giit ng La Union solon, may mga regional offices ang mga ahensyang tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH), na may sapat na kakayahan magpaabot ng tulong sa mga nangangailangan.
Matatandaan na humihirit ang OVP na dagdag-pondo para magamit umano sa iba’t-ibang public assistance programs subalit dahil sa kabiguan na maipaliwanag kung saan at paano ginamit ang alokasyon sa confidential funds binawasan ng Kamara ang 2025 proposed budget ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
“Naka-setup naman po ang mga regional agencies natin eh, so maiiwasan pa nga na may duplication of functions,” paliwanag ni Ortega.
“Nakita po natin na hindi maipaliwanag ang mga programa na nilatag nila dito sa House of Representatives. Noong nakita namin na hindi maipaliwanag, wala naman pong gustong magpaliwanag, wala naman pong kaukulan na, sabi nga nila, ‘ika nga resibo na makita. Ano naman ang gagamitin mong rason para ituloy ang budget na iyon kung underutilized sya o hindi man lang nagamit ng maayos?”
Binatikos rin ni Assistant Majority Leader Jay Khonghun (Zambales) ang OVP sa paiba-ibang posisyon nito hinggil sa hinihinging budget para sa susunod na taon.
Patutsada pa ng kongresista, una ay matapang na inihayag ni Duterte sa harap ng mga kongresista na ipauubaya na niya sa Kongreso ang pagtatakda ng 2025 budget ng OVP subalit ngayon naman ay nagmamakaawa sa Senado ng dagdag-pondo.
Sinegundahan din ni Khonghun ang punto ni Ortega na dapat magkaroon ng transparency sa paggamit ng pondo ng gobyerno, kabilang ang nasa P500 confidential funds ng OVP na kinukuwestyon kung paano ginastos.
“Kailangan ng transparency and accountability sa lahat ng budget at pondo na ibinibigay ng ating pamahalaan,” giit niya.
“Nakita naman natin ngayon ‘yung pag-iwas ng Office of the Vice President, ni VP Sara, sa accountability at transparency kung paano nila ginagamit ‘yung pondo. So paano pa natin sila pagkakatiwalaan?”
