
NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAKATIKIM ng matinding sermon kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo ang tatlong malalaking online apps sa bansa dahil sa hindi umano pagsunod ng mga ito sa ilang batas ng Pilipinas.
Sa isinagawang pagdinig ng Committee on Trade and Industry, sa pangunguna ni Cong. Ferjenel Biron, kinastigo ni Tulfo ang mga kumpanyang Lazada, Shopee, at Tiktok dahil karamihan sa kanilang mga small appliances na binebenta ay sinasabing walang Product Standard (PS) stickers.
Giit ng ranking House official, “importante ang PS stickers kasi doon mo malalaman kung dumaan sa pagsusuri ang produktong binili mo, sa DTI, na ito ay safe gamitin.”
“Mura ang mga items na ito dahil bukod sa galing China ay hindi sigurado ang quality. In short… peke,” dagdag pa ng mambabatas.
Sumipa ang congressional inquiry matapos ilapit kay Tulfo ng samahan ng local small appliance manufacturer, sa pangunguna ng presidente ng grupo na si Carol Yao, ang talamak na bentahan sa online ng mga peke at unsafe small appliances galing sa bansang China.
Panawagan ng grupo, patas na laban para sa Pinoy manufacturers at 300,000 empleyado sa online selling ng mga dayuhang produkto ng tatlong nabanggit na shopping apps.
Sinang-ayunan naman ni Biron ang reklamo ng small appliance manufacturers kasabay ang pagsasabi na kailangan sumunod sa Philippine laws ang mga kumpanyang na nagbebenta ng produkto sa bansa.
“We want to ensure that every Filipino business competes on a level playing field. Let us fight for fairness, for justice, and for the future of our industries and our people,” ani Biron.
Samantala, lumabas din sa pagdinig na hindi pinapatawan ng buwis ang mga produktong binebenta sa pamamagitan ng mga online platform, alinsunod sa Republic Act 11967.
Hirit ni Tulfo, pagsisiyasat ng Kamara para makalabangkas ng hakbang na pwedeng irekomenda sa DTI upang kontrolin ang pagbebenta ng mga imported na appliances sa mga e-commerce platform, kabilang ang pamantayan sa importasyon at kaligtasan ng mga consumer.
Target din ni Tulfo alamin kung paano sinusuri ng online selling platforms ang mga offshore seller, at paano tinitiyak na ang mga imported na appliances na binebenta ay tumutugon sa ICC certification at iba pang regulasyon sa kaligtasan at kalidad ng produkto.