NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
NAG-ALOK ang mga lider ng Kamara ng tumataginting na isang milyong pabuya para sa sinumang makapagbigay ng impormasyon sa isang “Mary Grace Piattos,” ang pangalan na nakatala sa liquidation report na kalakip ng P612-million confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP).
Kasabay ng alok na gantimpala, tahasang inihalintulad ni Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun sa tinaguriang pork barrel scam ni Janet Lim Napoles ang liquidation report ng OVP sa P125 million confidential funds na naubos sa loob lamang 11 araw noong Disyembre 2022.
Sa isang pulong balitaan, inihayag nina Khonghun at Deputy Majority Leader Paolo Ortega V (La Union) ang reward money para sa mahalagang impormasyon o tunay na pagkatao at makapagtuturo kay Piattos.
“Kami sa Blue Ribbon Committee at Quad Committee, aming binibigyan ng importansya na kailangan dumating yung mga pinatawag natin, lalong-lalo na pati yung mga pumirma sa acknowledgment receipts,” bungad ng kinatawan sa Kamara ng Zambales.
“So nag-usap-usap kami, boluntaryo, magbibigay kami ng pabuyang P1 milyon sa kung sinumang makakapagsabi o makapagbigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos,” dagdag pa niya.
Ayon kay Khonghun, si Piattos ang siya umanong nakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng nasabing pondo ng OVP. Ang OVP ay nagsumite sa Commission on Audit (COA) ng nasa 158 acknowledgement receipts o patunay sa pinagkagastusan ng naturang pondo.
“Si Mary Grace Piattos kasi yung may pinakamalaking nakuha dun eh. We want to set an example, we want to know the truth. Kasi it follows na pag wala si Mary Grace Piattos, sigurado halos lahat ng tao na na andun is fictitious na,” giit ng mambabatas.
“Ang pondo ay nagastos ng 11 days, mas mabilis pa sabi nga natin, dahil kung si Napoles [ay] 60 days niya nagastos yung pondo, ito 11 days lang,” dugtong ni Khonghun sa aniya’y kahalintulad ng modus ng sentensyadong Pork Barrel Queen na si Janet Napoles.
Sa panig ni Ortega, pinuna niya ang tila gawa-gawa lamang na pangalan at magkatulad ng sulat-kamay sa acknowledgement receipts na isinumite ng tanggapan ni Duterte sa COA.
“Sabi nga ni Congressman Jay, isama mo na rin si Chippy McDonald. Sino pa ba ‘yung mga fictitious na tao na na-mention? Syempre ang pinakasikat na na-mention si Mary Grace Piattos na patuloy po nating hinahanap para po maipaliwanag ‘yung mga acknowledgment receipt.”
Paniwala ng mga kongresista, halaw lang sa dalawang sikat na trademark ang pangalang ginamit sa liquidation report ng OVP — ang Mary Grace restaurant at sitsiryang Piattos.
