TALIWAS sa pangakong kalakip ng Executive Order No. 62 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang pagsipa sa presyo ng bigas sa mga pamilihan. Ang dahilan – sabwatan sa pagitan ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan at mga negosyante.
Sa pagdinig ng Quinta Committee na binuo para alamin ang puno’t dulo ng food inflation sa bansa, ipinrisinta ng Philippine Statistics Authority ang comparative data hinggil sa bentahan ng bigas sa merkado.
Para sa buwan ng Nobyembre, nasa P49.24 ang presyo kada kilo ng bigas – mas mababa ng P2 kumpara sa P59.90 na naitala noong Hulyo.
Gayunpaman, hindi ikinatuwa ni Albay Rep. Joey Salceda na tumatayong lead chair ng quinta committee ang P2 bawas sa bentahan ng bigas sa pamilihan.
“Akala ko ba ang sabi n’yo P5 to P6 ang decline sa rice after EO 62? So nawalan lang tayo ng P13 billion kung saka-sakali kung buong taon, for nothing?” patutsada ni Salceda.
Kapwa sinabi ng mga tagapagsalita ng Department of Agriculture (DA) at National Economic and Development Authority (NEDA) noong Hulyo na bababa sa lima hanggang anim na piso ang presyo ng bigas sa merkado sa bisa ng tapyas taripa para sa bigas na inaangkat mula sa ibang bansa.
“Assumption is the market is perfect but we know that the market is imperfect. We have seen it for the past months na nag-drop yung import parity price, but retail price ay talagang hindi siya gumalaw,” tugon ni Agriculture Undersecretary Christopher Morales kay Salceda.
“The farmgate price went down. The landed cost went down. So it is a puzzle for us…Mukha pong markets were not sufficiently competitive… Kailangan po sigurong tingnan yung translation from wholesale to retail. Kasi doon po tayo nagka-problema,” wika naman ni NEDA Director Nieva Natural.
Ayon naman kay Marikina City Rep. Stella Quimbo, nakapagtataka na wala halos paggalaw sa presyo ng bigas sa merkado kahit aniya bumabaha na ng supply sa bansa.
“Klarong-klaro naman na mayroon sabwatan. Lumaki pa po ang excess supply. So there is no reason for why hindi dapat bumaba ang presyo… Nasa kamay ng importers at traders na yumaman ng P13 billion… Maawa naman sila! Pakawalan nila ang rice stocks na yan, nang sa ganoon, bumaba na ang presyo, na sa ngayon ay dapat nasa bandang P35,” himutok ni Quimbo.
“Parang meron nga pong connivance sa ating government agencies kung bakit hindi natin nami-meet ‘yung target natin na ibaba talaga natin ang presyo ng bigas,” pahayag ni Bulacan 2nd District Representative Augustina Pancho.
“Based on the presentation of NEDA, meron talagang manipulation,” diin naman ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga na tumatayong co-chairman ng quinta comm.
