
KUNG nag-iinit ang liderato ni House Speaker Martin Romualdez sa P612.5-milyong confidential fund na di umano’y nilustay ni Vice President Sara Duterte, dapat suriin din ng Kamara ang intelligence fund na inilaan ng Kongreso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa 2023 Commission on Audit (COA) report, simot ang P10-billion confidential and intelligence fund (CIF) na inilaan ng Kongreso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Base sa 511-pahinang Annual Financial Report on National Government Agencies, lumalabas na higit pa sa nakalaang P10-bilyon ang ginastos ng administrasyon para sa nakalipas na taon.
Batay sa pagsusuri ng COA, mas mataas ng P685.65 milyon ang confidential at intelligence expenses (CIE) ng administrasyong Marcos sa 2023 kumpara sa P9.757 bilyon na ginastos noong 2022.
Ayon sa ulat, umaabot sa P6.028 bilyon ang intelligence expenses at hiwalay na P4.415 bilyon sa confidential activities para sa kabuuang halagang pumalo sa P10.443 bilyon – ang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.
Noong 2021, umaabot lamang sa P9.786 bilyon ang ang CIE ng Duterte administration na pangalawang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
Ipinakikita ng hinimay na expense item ng Office of the President, na pinamumunuan ng
Commander in Chief na gumastos ng P2.25 bilyon sa confidential fund (50.96 percent of the total) at P2.31 billion intelligence fund (38.32 percent of the total) noong nakaraang taon (2023).
Malaki din ang confidential expenses ng ibang ahensya kabilang ang Office of the Justice Secretary na may P522.69 milyon, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na may P500 million, at Office of the Vice President na may P375 million.
Nakita din ng COA na may ilang ahensyang may malaking intelligence expenses bukod sa OP kabilang ang General Headquarters – Armed Forces of the Philippines (GHQ-AFP) na may P1.735 billion, Philippine National Police (PNP) na may P936.6 million at Philippine Army na may P444 million.
Sa panig naman ng Philippine Air Force, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, sa kabila ng matitinding relief and rescue and interdiction operations laban sa smuggling at panghihimasok ng dayuhang barko sa teritoryo ng Pilipinas, napaulat na meron lang P17 million, P40.42 million, at P10 million intelligence expenses ang mga nabanggit na sangay ng sandatahang lakas.
Walang iniulat na alokasyon ang Kongreso sa intelligence at confidential programs.
Sa ilalim naman ng 2024 national budget, tinanggal ng Kamara at Senado ang P500 milyon confidential fund para sa Office of the Vice President.
Naunang tinanggap ng Kongreso ang P150 milyon Confidential Funds na hiling ng Department of Education na dating pinamumunuan ni Vice President Duterte.
Kinuwestiyon ng mambabatas ang alokasyon ng malaking halaga ng confidential expenses sa OVP at DepEd na kapwa walang kinalaman sa national security o law enforcement functions.
Pero, base sa pagtatala ng confidential spending sa 2023 AFR for National Government Agencies, mas malaki ang ginastos ng OVP kesa sa kabuuang halagang iginawad sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) (P127.4 million), National Security Council (P90 million), at National Bureau of Investigation (P146.17 million).
Sa nakaraang dalawang linggo, nakapaghain ng oposisyon sa pamumuno ni dating Justice Secretary at Senador Leila De Lima ng dalawang impeachment complaint laban kay Duterte sa paglabag sa Saligang Batas, corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang high crimes.
Nakabase sa reklamo sa hindi maipaliwanag na paglustay ng P125 milyon na confidential funds na inubos di umano ni Duterte sa loob lang ng 11 araw. (Estong Reyes)