KASTIGO-mayor ang inabot ng Grab sa Senado kaugnay ng reklamo ng mga pasahero — cancelled booking at pagtanggi magbigay ng 20 percent diskwento sa mga senior citizens at persons with disability (PWD).
Sa pagdinig ng Senate committee on public servicers, nagsulputan din ang iba pang sumbong ng mga pasahero sa tanggapan ni Senador Raffy Tulfo.
Ayon kay Tulfo, paborable ang umiiral na mekanismo sa Grab, pero hindi sa pasahero.
“Magbu-book ang isang pasahero sa Grab sasabihin ‘Will be there in 20 minutes.’ Pagdating ng 20 minutes, papa-extend ng another 10 minutes. Na-extend. So naging 30 minutes na and then all of a sudden ika-cancel. Ba’t ganon?” ayon kay Tulfo.
“Alisin na dapat ang multa na P50 kung magkansela ang pasahero. It should go both ways hindi one-way lamang na kayo lang pwedeng magpa-cancel… Pag-aralan niyong mabuti ‘yan it’s not fair,” dagdag niya.
Tugon naman ni Gio Tingson na tunatayong public affair chief ng Grab Philippines, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang gumawa ng regulasyon.
Gayunpaman, aminado si Tingson na may pagkakataon nagkakansela ang drayber sa bookings.
“Nagkakaroon ng kaukulang imbestigasyon o tinitignan po yung bawat sitwasyon at tingnan yung reasons for cancellation. Minsan po iba-iba po siya, but ang importante po ay inire-report din po sa platform para maaksyunan po namin agad,” ani Tingson.
“May tinatawag na penalties kapag may reklamo… Graduated po siya from suspension sa platform at pag-ban…Tinatawag po sa office para i-clarify bakit ganoon ang violation na meron siya,” dagdag ni Tingson.
Ibinahagi naman ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na mayroong P5,000 multa para sa cancelled booking, pero kaunti lamang aniya ang nagrereklamo sa ahensya.
“If and when a passenger gets cancelled and an appropriate complaint or we were notified, the sanction there is, on the first offense is a penalty of P5,000. The violation is refusal to convey dahil tinanggap mo yung pasahero and then ayaw mo siyang dalhin sa kanyang destinasyon.”
“If a complaint is filed and we have cases of this, we sanction the driver with a P5,000 penalty,” aniya pa.
“Mayroon na po kaming mga na-sanction, bagamat konti lang po dahil kaunti ang nagrereport sa LTFRB. We have to be informed first. ‘Pag nainform naman kami, may sanction po kaagad ‘yun after a show cause,” giit ng opisyal.
Iminungkahi naman ni Tulfo na maglagay ng notice sa Grab app hinggil sa parusa ng LTFRB para alam ng mga pasahero ang responsibilidad ng mga drayber at karapatan ng mga pasahero.
“Maglagay kayo dun sa inyong app ng notice na kapag nag-cancel ang driver na meron palang regulation sa LTFRB na sila mumultahan ng P5,000 to let the passengers know and then kung ano ‘yung kanilang rights,” ayon sa senador.
Kasabay nito, naungkat din sa pagdinig ang isyung kinakarga ng drayber ang 20% discount sa seniors, PWDs at estudyante.
Ayon kay Saturnino Mopas, chairman at spokesperson ng TNVS Community Philippines na nagsimula ang pagkarga ng drayber sa naturang diskwento pagpasok ng 2024.
“For the past how many years po, ang TNC (transportation network companies) po ang su-shoulder ng 20% para sa PWDs, senior, at mga student. Pero… itong taon na ito hindi ko alam kung anong buwan po yun, ang nag-su-shoulder po ay mga drivers na po,” aniya.
Katwiran ni Tingson, yun aniya ay alinsunod sa Republic Act 10754 or the Act Expanding the Benefits and Privileges of Persons with Disability – bagay na inalmahan agad ni LTFRB chief.
“We have an existing memorandum circular issued by the LTFRB and it gets very explicit on it. Before we award them the franchise, nandoon na po ‘yun–the 20% discount shall be shouldered by the TNC regardless whether it’s Grab or any other TNC, yan po ang batas na ipinapatupad namin sa LTFRB and we are bound by that law because before they are given the franchise, nandyan na yung memorandum circular na ‘yun,” ani Guadiz. (Estong Reyes)
