SA pagpasok ng 2025, target ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na suyurin hanggang sa tuluyang maubos ang mga small scale Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Ayon kay PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz, kasado na sa pagpapalit ng taon ang operasyon ng ahensya sa mga aniya’y nalalabing pasaway na POGO.
Pagmamalaki ni Cruz, tagumpay na ipinasara ng PAOCC ang mga malalaking POGO sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa hanay ng mga tinawag niyang bulilit POGO, pawang Pinoy na di umano ang nasa likod ng small-scale offshore gaming operation. Gayunpaman, nilinaw ng PAOCC chief na suportado pa rin ng mga foreign nationals ang ilegal na operasyon ng natitirang POGO sa bansa.
Pero bago pa man tuluyang itulak ang operasyon, kailangan pa muna kumalap ng sapat na ebidensyang gagamitin sa pagsasampa ng kaso sa husgado.
Batay sa mga nakalap na impormasyon ng PAOCC, lumalabas na dumadaan sa profiling ng mga foreign nationals ang mga bibiktimahin bago ipasa sa mga Pinoy keyboard workers ang trabaho.
Nakamonitor na lamang din umano ang mga foreign nationals sa mga Pinoy workers na nagsisilbing mga keyboard workers dahil kailangan pa rin ang collaboration para magpatakbo ng isang POGO hub.
Samantala, bagama’t imposible ang sinasabi ng ilang LGUs na hindi nila alam na may POGO sa kanilang lugar, sinabi din ni Cruz na naglabas na sila ng advisory na audio visual presentation para gabayan ang mga local government units.
Aniya, maaaring ikonsidera ang pagdami ng mga foreign nationals, pagdaragdag ng internet connections, maraming food deliveries at hatid sundo ang mga nasa lugar.
Mas dapat aniyang alerto ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatayo ng mga bagong gusali sa nasasakupang lokalidad.
