HIGIT pa sa maingay na paputok ang sasalubong kay Vice President Sara Duterte sa pagpasok ng bagong taon, ayon sa isang militanteng kongresista.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, pinaplantsa na di umano ang ikaapat na impeachment complaint na ihahain ng Kamara laban kay VP Sara sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa Enero 14, 2025.
Bagamat walang tinukoy na grupong maghahain ng impeachment complaint, kumbinsido naman ang militanteng kongresista na ang ika-apat na reklamo ang hinihintay ng pamunuan ng Kamara bago simulan ang proseso ng pagtatalsik sa pangalawang pangulo.
Katunayan aniya, hindi pa naisusumite ni House Secretary General Reginald Velasco sa House Justice Committee ang unang tatlong impeachment complaints laban sa bise-presidente. Ang dahilan – nirerebisa pa umano ng legal department ng Kamara ang merito ng kaso.
Inihain ng iba’t ibang sektor ang impeachment complaints laban kay Duterte dahil umano sa paglustay ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) na dating hawak ng pangalawang pangulo.
Wala pang pahayag si VP Sara hinggil na nagbabadyang 4th impeachment complaint.
