SUKDULAN ang pagkadismaya ng mga lider ng isang mayoralty candidate sa lungsod ng Marikina matapos mapabilang sa mga kongresistang lumagda sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Anang mga miyembro ng grupong Sara Duterte Solid Supporter (SDSS) na nakabase sa nabanggit na lungsod, inuna pa ni First District Rep. Maan Teodoro ang pamumulitika kesa tugunan ang mga hinaing ng mga maralitang taga Marikina.
“Sana di na lang siya nakisawsaw na pamumulitika ng mga kapwa niya mambabatas… andami namin palaging naghihintay sa kanya. Kaya pala hindi kami maharap dahil busy siya sa pagpapatalsik kay Inday Sara,” wika ng isa sa mga lider ng naturang grupo.
Layon ng impeachment complaint patalsikin ang pangalawang pangulo kaugnay ng mahabang talaan ng alegasyon, kabilang ang umano’y paglustay ng hindi bababa sa P612.5 milyong halaga ng confidential funds na inilaan ng Kongreso sa Office of the Vice President at sa Department of Education na dating hawak ni Duterte.
“Malinaw naman ang mensahe ng Pangulo (Marcos) sa mga congressman di ba? Sabi ni President aksaya lang ng oras,” dugtong ng SDSS officer na ayaw pabanggit ang pangalan.
“This is not important. This does not make a difference to even one single Filipino life. So why waste time on it,” wika ni Marcos sa isang panayam sa telebisyon noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Dakong alas 4:30 ng hapon nang dalhin ni House Secretary General Reginald Velasco ang “verified complaint” sa Senado. (EDWIN MORENO)
