
SA kabila ng pagtutol ng abogado ng akusado, Ipinag-utos ng korte ang pagbabalik sa selda ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder leader Pastor Apollo Quiboloy sa Miyerkules, Pebrero 12.
Sa utos ng Pasig City Regional Trial Court (RTC), partikular na inatasan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ibalik si Quiboloy sa Pasig City Jail pagsapit ng Pebrero 12.
Buwan ng Enero nang “isugod” sa Rizal Medical Center (RMC) sa Pasig City ang kontrobersyal na religious leader na nahaharap sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal kabilang ang panghahalay sa mga babaeng KOJC members.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya si Atty. Israelito Torreon na tumatayong abogado ni Quiboloy lalo pa aniya’t nakatakda na umano maghain ng petisyon ang legal team ng nakakulong ng religious leader..
“Medyo hindi kami masyado happy doon, kasi meron kaming iba pong motion ipa-file naman that would be based on his condition and his unique circumstance as a person,” aniya.
Enero 18 nang dalhin sa pagamutan si Quiboloy base sa rekomendasyon ng mga doktor ng kawanihang nangangasiwa sa piitan. Nakaramdam umano ng hirap sa paghinga ang pastor habang nasa Pasig City Jail Male Dormitory.
Sa pagsusuri, lumalabas na may pulmonya ang dating presidential spiritual adviser.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy ang qualified human trafficking at child abuse sa Pilipinas, at conspiracy, bulk cash smuggling, at sex trafficking by force, fraud, and coercion sa Estados Unidos.