PARA patunayan ang sinceridad sa paglilingkod sa bayan, hinikayat ng liyamadong senatorial candidate ang lahat ng opisyales ng pamahalaan sa isapubliko ang yaman at negosyo.
Ayon kay ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na kabilang sa mga pambato para senador ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas, obligasyon ng mga taong gobyerno – halal man o itinalaga sa pwesto, ilantad ang yaman sa bisa ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) alinsunod sa doktrina ng tinawag niyang “transparency.”
Para kay Tulfo na nangunguna sa senatorial preference surveys sa mga nakalipas na buwan, sa gayung paraan lamang aniya matitiyak ng taumbayan na malinis at walang bahid ng korapsyon ang isang nakaupong opisyal ng pamahalaan.
“Dapat ideklara ng bawat opisyal sa gobyerno kung saan nanggaling ang kanilang yaman at kung sakaling lumaki ito, ano ang dahilan bakit lumaki ang kayamanan nito habang nasa pwesto,” wika ng pambato ng administrasyon sa nalalapit na senatorial election.
“Dapat ideklara ng mga opisyal kung saan nanggaling ang pinambili ng mansyon o mamahaling sasakyan, maging ng mga simpleng gamit tulad ng mga alahas,” dagdag niya.
Nais din ng kinatawan ng ACT-CIS Partylist na pati ang mga itinayong negosyo ng pamilya ng opisyal ay ideklara rin, kalakip ng detalye sa pinanggalingan ng puhunan.
“Napakahalagang ideklara at ipaliwanag kung saan galing ang puhunan lalo na kung
milyon ang halaga, bilang bahagi ng ‘transparency’ taumbayan,” dugtong ng kongresista.
“Kung hindi maipaliwanag ng isang public official kung saan galing ang pagdami ng pera at kayamanan habang nakaupo, red flag ‘yun at dapat imbestigahan ng Ombudsman,” pahabol ni Tulfo.
Kabilang aniya sa mga dapat magdeklara ang lahat ng lingkod bayan sa bawat sangay, mula sa mga barangay officials hanggang sa mga mambabatas at punong ehekutibo, kabilang na rin ang mga miyembro ng kapulisan at militar, mga miyembro ng gabinete, at mga mahistrado. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
