NAHAHARAP sa mabigat na kaparusahan ang ilang tiwaling cigarette factory at warehouse operators matapos sampahan ng kaso bunsod ng pandaraya sa buwis.
Partikular na tinukoy ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. ang P8.5-bilyong buwis na billion tax evasion case na inihain ng kawanihan laban sa mga kumpanya sa likod ng mga pabrika at mga bodega ng sigarilyo sa lalawigan ng Bulacan at Valenzuela City.
Ayon kay Lumagui, mas paiigtingin pa ng BIR ang pagsasampa ng kasong kriminal sa bisa ng agresibong kampanya at operasyon laban sa mga negosyanteng mandaraya.
Babala pa BIR chief, higit na pag-iibayuhin ng rentas internas ang pagbabantay sa mga negosyo para tikayin ang pagtalima sa tax obligations.
“The BIR will not stop filing criminal cases against large-scale illicit cigarette manufacturers and distributors. Big or small, all operations of illicit cigarettes in the Philippines are criminal in nature,” wika ng batikang tax lawyer.
Nobyembre ng nakalipas na taon ng inilunsad ng BIR – katuwang ang iba pang law enforcement agencies – ang pinakamalaking operasyon sa isang illegal cigarette factory sa Bulacan at tatlong storage facilities sa Valenzuela City.
Suspetsa ng BIR, nakapaloob sa isang malaking sindikato ang mga operasyon ng mga sinalakay na pasilidad kung saan tumambad ang cigarette-making equipment, raw materials, at mga pekeng sigarilyo.
Arestado rin sa naturang operasyon ang anim na Chinese nationals.
Bago pa man ang paghahain ng tax evasion case laban sa mga bulilyasong kumpanya, una nang sinampahan ng asunto ang mga dayuhang Tsino bunsod ng paglabag sa mga probisyon sa ilalim ng National Internal Revenue Code — Unlawful Pursuit of Business, Unlawful Possession or Removal of Articles Subject to Excise Tax Without Payment of Tax, Unlawful Possession of Any Apparatus or Mechanical Contrivance for the Manufacture of Cigarettes at Unlawful Possession of Cigarette Paper in Bobbins or Rolls, Cigarette Tipping Paper, or Cigarette Filter Tips.
Kumpyansa naman si Lumagui na maipapanalo ng BIR ang mga kasong isinampa kawanihan sa husgado.
