SAKALING muling dedmahin ang paanyaya para dumalo sa pagdinig ng Kamara, maglalabas na mg mandamiento de arresto ang Tri-Committee, babala ni Abang Lingkod partylist Rep. Joseph Stephen Paduano.
Garantiya ni Paduano na tumatayong chairman ng House Committee on Public Accounts, hindi tatanggapin ng kongreso ang anumang anto ng kawalang respeto ng mga pinadakan ng paanyaya dumalo sa pagdinig ng Kamara sa usapin ng “fake news.”
“Paalala lang po – Section 11 ng ating internal rules, Paragraph F – hindi natin papayagan ang anumang diskusyon o pag-atake, pang-iinsulto sa pagdinig na ito matapos itong isuspinde dahil magiging paglabag ito… mapipilitan kaming i-cite kayo in contempt (undue interference),” wika ni Paduano.
“Nagawa na namin ito sa aking komite nang isang block timer mula Cagayan, Bombo Radyo Cagayan, ay ma-cite in contempt dahil pagkatapos ng hearing, inatake niya ang resulta ng pagdinig ng komite. Paalala lang po,” dugtong ng ranking House official.
Ang nasabing joint-House panel, na binubuo ng Committees on Public Information, Public Order and Safety, at Information and Communications Technology, ay nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig sa Abril 8.
Nauna nang hiniling ni Paduano ang pagpapalabas ng subpoena sa 24 na pro-Duterte vloggers at influencers na hindi dumalo sa pagdinig sa kabila ng natanggap na show-cause orders.
Kabilang sa mga pinangalanan sina dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy, vlogger Jeffrey “Ka Eric” Celiz, at vlogger Allan Troy “Sass” Rogando Sasot.
Kasama rin sa mga sinubpoena sina Alex Distor, Alven Mortero, Claire Eden Contreras, Claro Ganac, Cyrus Priglo, Darwin Salceda, Edwin Jamora, Elmer Jugalbot, Ernesto Abines Jr., Atty. Glen Chong, Jeffrey Cruz, Josmith Medina, Jonathan Morales, Julius Milan Maui, Kester Tan, Lord Byron Cristobal, Maria Florenda Espenilla, Maricar Serrano, Susan Batalla, Mary Catherine Binag, at Vivian Zapata Rodriguez.
Subalit dahil ‘no show’ pa rin sila, hiniling ni Paduano na magpalabas ng ‘subpoena ad testificandum’ sa lahat ng pangalang binanggit — mungkahing agad na kinatigan ng Tri-Comm. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
