SA hangaring pabilisin ang pag-usad sa pila ng mga pasahero, nakatakdang magpatupad ng bagong polisiya ang pamunuan ng mga kumpanya sa likod ng operasyon ng Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT).
Sa isang pulong-balita, ibinahagi ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon, ang napipintong pag-arangkada ng bagong sistema ng LRT at MRT sa pagbabayad ng pamasahe — ang paggamit ng debit o credit card at mobile wallet tulad ng GCash at PayMaya.
Ayon kay Dizon, arangkada na sa Hulyo ang cashless transaction para sa automatic fare collection system sa LRT at MRT, alinsunod na rin aniya sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paspasan ang ang mga proyekto ng gobyerno upang mapigilan ang mga pagkaantala at hindi maapektuhan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino.
Sa bisa ng automatic fare collection, hindi na kailangan bumili o mag-reload sa beep card at stored-value smart card para sa pagbabayad ng pamasahe sa mga byahe sa LRT at MRT.
“Mga bandang July ito. I-implement na natin sa MRT at sa iba pang train stations. Alam ko pati credit card pwede na. Ita-tap mo na lang ‘yung phone mo. Hindi na kailangang bumili ng beep card,” wika ni Dizon.
Para sa DOTr chief, nakapagtatakang hindi agad naipatupad ang cashless transactions sa MRT gayong kaya namang ipatupad ang naturang iskema sa mga nakalipas na panahon tulad ng matagal ng ginagawa sa ibang mga bansa.
“Ang sabi ng Pangulo, gawin na rin natin yung mga modern facilities sa ibang bansa dito para sa mga kababayan natin,” dagdag ni Dizon.
Iniutos ni Pangulong Marcos Jr. sa DOTr na mag-develop ng open-loop payment system na naka konekta sa financial platforms tulad ng ginagawa ng mga nangungunang pandaigdigang transit network.
Aniya, nakikipag-usap na ang DOTr sa mga transport operators at financial service providers para tiyakin walang magiging aberya sa tinawag niyang “upgraded collection systems.”
