ISANG linggo matapos tupukin ng apoy ang Navotas Sanitary Landfill, nananatili ang panganib sa kalusugan ang mga alipatong patuloy na tinatangay ng hangin sa iba’t ibang lungsod ng Metro Manila.
Sa isang kalatas, inamin ng Department of Health (DOH) ang nakaambang peligrong dala ng pinaghalong usok, alikabok at abo.
Pangunahin anilang epekto ng mga alipato ang hirap sa paghinga, ubo, pananakit ng dibdib, iritasyon sa mata at paglala ng mga sakit sa baga tulad ng hika.
Ipinaliwanag ng DOH ang haze ay may napakaliit na particle na pumapasok sa malalim na lagusan ng baga at makaapekto pa sa daluyan ng dugo lalo na kung matagal ang exposure.
Una nang naglabas ng babala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kalidad ng hangin sa kabisera.
Ayon sa DENR, pasok sa kategorya ng :”Hazardous” ang hangin sa Valenzuela City, habang ang mga lungsod ng Caloocan, Malabon, Marikina, Quezon City, at ilang bahagi ng Bulacan ay may hindi ligtas na air quality para sa mga sensitibong grupo tulad ng mga bata, matatanda, at may sakit sa baga o puso.
Payo ng DOH sa publiko, limitahan ang mga aktibidad sa labas at sundin ang mga sumusunod na pag-iingat — manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari, isara ang mga pinto at bintana, takpan ang mga siwang gamit ang basang tela, magsuot ng N95 mask kung lalabas ng bahay at gumamit ng headlights o fog lights kung magmamaneho sa mahinang visibility.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na manatiling alerto at tumawag sa 911 para sa emergency assistance kung kinakailangan.
