
Atty. Antonio Audie Z. Bucoy
ISANG abogado na mayroong higit na apat na dekadang karanasan sa paglilitis, paglaban sa karapatang-pantao at iba pang legal na usapin ang itinalaga ng House prosecution panel sa napipintong impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio bilang opisyal na tagapagsalita nito.
Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag, binigyan-diin ni Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, na nagtapos sa University of the Philippines (UP) College of Law na tinanggap niya ang alok na maging spokesperson kapwa sa panig ng public at private prosecutors’ para sa “bayan at hindi para sa bayad.”
“Ano ang nag-udyok sa akin na tanggapin ito? Para ho sa bayan. Kinausap ako ng ilang kaibigan na nasa prosecution panel, and sa palagay nila ako ay makakatulong para ilahad sa taumbayan kung ano ang sinusugo ng prosecution. Tinanggap ko po after talking to my family,” ang pahayag ni Bucoy.
“Hindi ko na po kinakailangan ng bayad. Para ho sa bayan ‘to. Hindi ho bayad, bayan,” tigas na sabi pa ng abogado na kasapi rin ng mga prominenteng legal advocacy group na Free Legal Assistance Group (FLAG) at ang Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity, and Nationalism Inc. (MABINI).
Ayon kay Bucoy, nahaharap ngayon ang sambayanan sa isang usaping pananagutan na pangkaraniwan, dahil ito ay moral na usaping pananagutan partikular ang pagsasakdal sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Bakit ito natatangi? Sa kauna-unahang pagkakataon, sinakdal ang pangalawang pinakamataas na pinuno ng bansa sa pagbabanta sa buhay ng Pangulo, ng unang ginang at ng Speaker of the House. Hindi lang po ito pagbabanta, inamin niya na kumontrata siya ng taong magsasakatuparan ng bantang ito. In other words, may kinontrata na siya na asasino o mamamatay tao,” paliwanag niya.
“Natatanggi rin dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nasakdal din siya (bise presidente) sa pangalawang artikulo which is pandarambong ng kaban ng bayan or plunder. Natatangi because nasasakdal siya sa pangatlong artikulo, malbersasyon ng pananalapi ng bayan. Natatangi dahil siya ay nasasakdal sa pagtataksil sa Saligang Batas,” sabi pa ni Bucoy. “And finally, natatangi dahil sinakdal siya sa mga karmaldumal na krimen.
“Ngayon, ito pong paglilitis na ito, hindi lang ang pangalawang pangulo ang nasasakdal, nasasakdal din po dito ang institusyon ng Senado bilang isang impeachment court. Nasasakdal din ang buong sambayanan na dapat ay buksan ang mga mata, makilahok sa proseso upang sagayon ay matugunan ang mga pag-aagam-aagam at mga katanungan.”
Iginiit ni Bucoy na kailangang maisagawa ng Senado ang paglilitis, taliwas sa paniniwala ng iba na dahil nagtapos na ang 19th Congress ay hindi na maaaring umusad pa ang impeachment trial sa susunod na 20th Congress.
“Sa aking pananaw at sa pananaw ng prosecution panel, there’s no such thing as crossover, ‘yan ang sinasabi nila na nagtapos ang 19th Congress. Ang natatapos po ay ‘yung legislative work, ‘yung paggawa ng batas. ‘Yung institusyon ng Kongreso, yung institusyon ng Senado ay hindi po iyan nag-e-expire, tuloy tuloy po iyan. So, I think it’s a misnomer to say will it crossover? There’s nothing in the Constitution that say crossover,” ani Bucoy.
“In fact, sa ilang decided cases gaya po ‘nung Pimentel vs Joint Committee, sinabi ng Supreme Court na ang napuputol, ang nagwawakas ay ang sesyon sa pagawa ng batas. Hindi ang institution na nagsu-survive, tuloy-tuloy,” dagdag pa niya.
Samantala, inaasahan ng House prosecutors na mailalatag na nila ang mga kasong kahaharapin ng bise presidente sa mga susunod na linggo matapos na ma-impeach ang huli noong nakaraang buwan ng Pebrero.
Ang pagkakahirang naman kay Bucoy bilang official spokesperson ay inaasahang mas magpapalakas sa kredibilidad ng mga taga-usig, na nangangakong magiging bukas at tapat sa kanilang magiging papel sa inaabangang impeachment proceedings. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)