MAS pinaigting ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga hakbang nito, alinsunod na rin sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tulungan ang mga lokal at dayuhang mamumuhan sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo dito at maabot ang layuning maging pangunahing investment destination ang Pilipinas.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., inatasan niya ang lahat ng tanggapan ng kanilang kawanihan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na alalayan at bigyang prayoridad ang lahat ng local at foreign investors partikular ang nasa hanay ng mga pangunahing negosyo sa ilalim ng tinatawag na “Investment Facilitation Network.”
“This is in line with PBBM’s call to make the Philippines a top investment destination. The BIR will do its role in attracting investors. Nation-building requires both the public and private sector to work together, in harmony,” sabi pa ni Lumagui.
Dagdag ng BIR chief, bilang bahagi ng Investment Facilitation Network (INFA-Net), na isang 36-agency body na binuo sa ilalim ng Executive Order No. 18, ang BIR ay may tungkulin na bilisan ang proseso nang pagpaparehisto ng mga investment na inindorso ng Board of Investments (BOI), gayundin ang gawing simple ang pagsusumite ng tax-related requirements sa bawat strategic investments.
Bukod dito, ang BIR ay inatasan na tiyakin agarang maaksyunan ang taxpayer registration, pag-iisyu ng permits at licenses, at ang pagproseso ng investment-related applications.
Ani Lumagui, mayroong ding BIR focal person na itatalaga sa bawat tanggapan nila para siyang mamahala sa INFA-Net concerns, na regular na magre-report sa BOI hinggil sa estado ng investment endorsements ng huli at magbibigay din ito ng technical assistance sa pamamagitan ng training modules at knowledge-sharing.
Paliwanag ni Lumagui, ang papel ng BIR sa INFA-Net ay bahagi nang pagsusumikap ng Marcos administration na isulong ang ‘ease of doing business’ sa bansa kung saan noong unang bahagi ng nakaraang taon, ang kanilang ahensiya ay nagpalabas ng Revenue Memorandum Circular No. 37-2025, na ginawang mas madali at mabilis ang pagproseso ng value-added tax (VAT) refund ng exporters at iba pang negosyo, batay na rin sa itinatakda ng CREATE MORE Act.
“The reforms remove redundant requirements, cut processing time, and improve inter-agency coordination to make the country more business-friendly for legitimate local and foreign-based enterprises.” bigkas pa ni Lumagui
