PARA sa tagapamuno ng House Committee on Good Government and Public Accountability, mas makakabuti kung hintayin muna ng Office of the Ombudsman ang magiging hatol ng impeachment court bago pa man pagpasyahan ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Vice President Sara Duterte.
Partikular na tinukoy ni Manila 3rg District Rep. Joel Chua ang nakaambang imbestigasyon ng Ombudsman hinggil sa kontrobersyal na paggamit ni Duterte sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Paliwanag ni Chua, may pagkakaiba ang impeachment trial ng Senado at pagsasampa ng kasong kriminal ng Ombudsman.
Tinukoy rin ni Chua ang naging desisyon ng Court of Appeals (CA) sa Jarque v. Desierto, na disbarment case kontra sa dating Ombudsman Aniano Desierto.
Sa naturang CA resolution, maari lamang aniyang ipagharap ng kasong kriminal ang isang impeachable official pagkatapos lumabas ang hatol.
“Doon po sa charter ng Ombudsman, dapat po lahat pwede nilang imbestigahan except impeachable officers. So, ibig sabihin kailangan i-impeached ka muna bago ka i-file ang kaso (criminal charges),” dagdag pa ni Chua.
“Pupuwede rin naman pong umandar (Ombudsman case) in so far as yung ibang mga accomplices. Kasi hindi lang naman ang VP ang nandoon (respondent), may iba pa po,” sabi rin niya, na ang pinatutungkulan ay ang maaari lamang imbestigahan ng Ombudsman sa ngayon ay ang ibang opisyal ng OVP at DepEd na sinasabing dawit sa maling paggamit ng kabuuang P612.5 million confidential and intelligence funds.
Sa tanong kung mayroon bang epekto sakaling i-absuelto ng Ombudsman si Duterte gayung hindi pa nagsisimula o gumugulong pa lamang ang impeachment trial, binigyan-diin ni Chua na iba ang timbang ng dalawa.
“Iyong isa (Ombudsman) ang ikino-consider doon ay criminal aspect, dito sa impeachment ang ikino-consider dito ay conduct ng bise presidente.”
Paliwanag pa niya, sa Senate Impeachment, si Duterte ay maaari lamang patalsikin sa pwesto at magkaroon ng perpetual disqualification sa anumang posisyon sa gobyerno habang sa Ombudsman kapag inakyat nito sa Sandiganbayan ang kaso ay parusang pagkakakulong at multa ang ipapataw sa bise-presidente. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
