KUNG pagbabatayan ang galawan ng kampo ni Vice President Sara Duterte, malinaw na umiiral na ang takot ng pangalawang pangulo sa aniya’y paglabas ng mga ebidensya kaugnay ng di umano’y paglustay ng pondo ng pamahalaan.
Ito ang tahasang sinabi ni former Senator at Mamamayang Liberal Partylist Representative-Elect Leila De Lima hinggil sa paggulong ng full-blown investigation na kasabay ng impeachment trial.
Partikular na tinukoy ni De Lima ang takot ni Duterte sa paglabas ang mga ebidensyang patunay sa maling paggamit ng daan-daang milyong confidential funds at iba pang katiwalian.
Kasabay nito, kinuwestyon ni De Lima ang ilang senator-judges sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte partikular kung magiging patas sila sa paghatol, lalo’t may ilan umano ang hayagang nagpapakita ng pagkiling sa nasasakdal.
Ayon sa incoming party-list solon, takot ang bise presidente na magpaliwanag sa mga binibintang kaya gumagawa ng estratehiya upang pahabain o kaya’y hadlangan ang proseso sa Senado.
Gaya na lamang aniya ng paghahain ng iba’t-ibang mosyon, pagbiyahe sa ibang bansa, at ang maging ang paggamit sa desisyon ng Ombudsman upang maagang hadlangan ang paglilitis.
“You can say, they’re really scared. I mean VP Sara is scared. This is really cause for concern kasi ang pinaka-objective is hangga’t maaari hindi dapat magkaroon ng trial proper. Hangga’t maaari hindi dapat lumabas ang mga ebidensya,” sabi pa ni De Lima.
Dagdag ng former senator, tila ginagamit din ni Duterte ang parehong legal at public relations strategy upang kontrolin ang naratibo at guluhin ang proseso.
“They’re doing everything. Sa legal side of course hiring a big firm and ang dami nila 16 lawyers. And then itong kanyang mga foreign trip blitz part of propaganda,” ani De Lima.
Samantala, pinuna naman ng elected-ML partylist lawmaker sina Senador Imee Marcos at Robin Padilla sa pagsama kay Duterte sa Kuala Lumpur, Malaysia gayung ang dalawa ay bahagi ng Senate impeachment court.
Giit ni De Lima, ang ilang senador ay tila mas kumikilos bilang tagapagtanggol kaysa tagahatol, dahil sa mga binitawang pahayag na aniya’y tila kampi sa panig ng depensa.
“Talaga namang halatang-halata na sila. Pagsasalita even sa conduct nila. Remember may dalawang senador na sinamahan pa si VP Sara sa Kuala Lumpur. Imagine that,” bulalas pa niya.
Aminado naman si De Lima na walang kapangyarihan ang prosekusyon na pilitin ang sinumang senator-judge na mag-inhibit, subalit iginiit ng kongresista na ang mga kilos ay malinaw na nagpapakita ng suporta sa akusadong opisyal, bagay na aniya’y kabalintunaan sa nararapat para sa isang hukom. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
