BAHAGYANG nakahinga ang mga padre de pamilya at solo parents matapos ihayag ng Department of Transportation (DOTr) ang implementasyon ng 50 percent discount sa pamasaheng singil ng LRT at MRT sa mga estudyante.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, sapat nang magpakita ng valid school ID o proof of enrollment sa ticket booth upang makakuha ng diskwento.
Sakop ng benepisyo hindi lamang ang mga nasa basic education at college level kundi pati na rin ang mga kumukuha ng master’s degree at law school.
Aniya, target din ng ahensya ang dagdag discount sa lahat ng mga estudyante gamit ang LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Ayon pa sa Kalihim, alinsunod ang bagong polisiya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang diskwento sa mga single-journey tickets, ngunit tiniyak ni Dizon na malaking ginhawa ito sa libu-libong estudyanteng araw-araw sumasakay sa tren.
“Malaking tulong ito sa mga estudyante at kanilang mga pamilya, lalo na sa gitna ng mataas na gastusin sa araw-araw,” dagdag pa ng kalihim. (EDWIN MORENO)
