TAPOS na ang boksing. Ganito ang paglalarawan ng isang partylist congressman sa laban para sa liderato ng Kamara sa ilalim ng 20th Congress.
Partikular na pinagbatayan ni re-elected Tingog partylist Rep. Jude Acidre ang bumuhos na suporta mula sa 287 kongresistang pabor sa pananatili ni Leyte Rep. Martin Romualdez bilang House Speaker.
“The question of Speakership has already been resolved many, many weeks ago. And I don’t think this is any more a question that needs to be resolved,” mariing tugon ni Acidre nang hingan ng impormasyon hinggil sa labanan sa pagka-speaker ng 20th Congress.
Ayon kay Acidre, nasa kabuuang 283 members ng bagong 20th Congress ang lumagda na sa manifesto of support para sa patuloy na pamumuno ni Romualdez sa Kamara.
Nang usisain hinggil sa pagkakaroon ng “naghahamon” o nag-aasam na tapatan si Speaker Romualdez, tahasang sinabi ni Acidre na hindi na niya iniisip ang anumang tungkol sa speakership race.
“And I think our support for Congressman Martin Romualdez to be the next speaker of the House remains strong as ever,” pagtatapos ng Tingog partylist lawmaker. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
