PARA kay Senador Mark Villar, hindi dapat palampasin ang panloloko gamit ang artificial intelligence. Bilang tugon, isang panukalang batas ang inihain ni Villar sa hangarin tuldukan ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa panlalamang sa kapwa. Sa bisa ng Senate Bill 2620 (Kontra Malisyosong AI Act,) target ni Villarmagkaroon ng regulasyon sa paglikha, paglalantad, at pagpapakalat ng mga imahe, video, audio, at iba pang materyal na nilikha o binago gamit ang AI. Partikular na tinukoy ni Villar ang mga “deepfake” na gumagamit sa mukha, boses, anyo, at iba pang personal na pagkakakilanlan ng isang tao nang walang pahintulot. Bilang pangunahing may-akda ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), binigyang-diin ni Villar ang lumalaking banta ng mga krimeng gumagamit ng AI, kung saan nakakagawa ang mga scammer ng kapani-paniwalang pekeng larawan, video at voice recording sa pagpapanggap na kamag-anak, opisyal ng pamahalaan, business executive, at iba pang pinagkakatiwalaang indibidwal na karaniwang ginagamit sa panloloko sa pananalapi, phishing, pagnanakaw ng pagkakakilanlan, pangha-harass, paninirang-puri, at pagpapakalat ng kahalayan. “Habang patuloy na umuunlad ang artificial intelligence, dapat din natin palakasin ang ating mga pananggalang laban sa mga gumagamit nito sa panloloko at pananamantala. Hindi dapat maging kasangkapan ang makabagong teknolohiya upang nakawin ang pagkakakilanlan ng isang tao, sirain ang kanyang reputasyon, o ilagay sa panganib ang kanyang kabuhayan,” ani Villar. Tampok sa panukala ng mambabatas ang paglalagay ng malinaw na abiso sa mga materyal na nilikha o binago gamit ang AI na ipamamahagi sa publiko. Ang mga video at iba pang materyal na may parehong audio at visual elements ay kailangang lagyan ng pasalita at nakasulat na abiso, kasama ang nakikitang palatandaan o link na nagsasaad na ang nilalaman ay nilikha o binago gamit ang AI. Para naman sa audio-only content, kinakailangan ang pasalitang abiso, habang ang mga visual-only material ay dapat may malinaw at nababasang abiso sa buong tagal ng pagpapakita nito. Inaatasan din ng panukala ang pormal na pahintulot mula sa taong inilalarawan sa isang deepfake kung ang paggamit nito ay maaaring magdulot ng pinsala, panlilinlang, pangha-harass, pananakot, pagkabalisa, o pagsasamantala. Saklaw din ng panukala ang mga mapanlinlang o walang pahintulot na paggamit sa komersiyo, patalastas, pag-eendorso, seksuwal o pornograpikong materyal, at mga gawaing pampulitika, gayundin ang pagpapanggap para sa scam, phishing, pagnanakaw ng pagkakakilanlan, at iba pang uri ng panloloko. “May karapatan ang bawat Pilipino na protektahan ang kanyang mukha, boses, at pagkakakilanlan. Dapat malinaw kung alin ang tunay at alin ang artipisyal, at hindi dapat gamitin ang pagkakakilanlan ng sinuman upang manloko o manamantala,” dagdag ni Villar. Upang mabigyan ng agarang proteksyon ang mga biktima, inaatasan din ng panukala ang mga digital platform na may operasyon sa Pilipinas na magtatag ng madaling ma-access na mekanismo para sa pagsusumbong at alisin o harangin ang pag-access sa iniulat na mapanlabag na content sa loob ng bente kwatro oras mula nang matanggap ang reklamo ng taong inilalarawan o ginagaya, o ng kanyang magulang o tagapag-alaga kung menor de edad ang biktima. Dapat din aniyang ipatanggal ng biktima ng mga mapanirang materyal, kabilang ang mga kopya at muling pag-upload ng mga ito, at magsampa ng paghahabol para sa danyos na laban sa gumawa ng Deepfake. Maaari rin silang humingi ng utos ng hukuman upang mapigilan ang patuloy na paglikha at pagpapakalat ng naturang content. Nagtatakda rin ang panukala ng mabibigat na parusa kabilang ang multang mula ₱200,000 hanggang ₱300,000. Samantala, ang sinumang sadyang lilikha, gagawa, o magpapakalat ng deepfake nang walang kinakailangang pahintulot ay maaaring makulong ng dalawa hanggang apat na taon at pagmultahin ng ₱250,000 hanggang ₱500,000. Mas mabigat ang parusa kung menor de edad ang biktima, na may pagkakakulong ng walo hanggang 12 taon at multang ₱500,000 hanggang ₱1 milyon. Maaari rin pagmultahin ang mga digital platform na hindi susunod sa 24-oras na takdang panahon ng pagtanggal ng mapanlinlang na content ng ₱200,000 sa unang paglabag at ₱300,000 sa bawat susunod na paglabag. Paglilinaw ni Villar na hindi hangad ng panukala hadlangan ang pag-unlad ng teknolohiya o ang lehitimong paggamit ng AI, kundi tiyaking may kaakibat na pananagutan at paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal ang mga makabagong inobasyon. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Kawalang respeto ng kampo ni Sara sa korte, tinuligsa