WALA pang katiyakan kung matutuloy ang pagpapaliban ng halalang pambarangay pagsapit ng Disyembre ng kasalukuyang taon.
Pag-amin ni Undersecretary Claire Castro, masusing pag-aaralan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung aayunan ang panukalang batas na nagtatakda ng extension sa termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan official.
Ayon kay Castro na tumatayong Press Officer ng Palasyo, wala pang pahiwatig ang Pangulo hinggil sa inaprubahang panukala lalo pa aniya’t hindi pa natatanggap ng kanyang tanggapan ang sipi ng enrolled bill.
“Wala pang natatanggap na enrolled bill. Kapag natanggap na pag-aaralan iyan mabuti para mapirmahan kung dapat pirmahan, ang-ayunan kung dapat sang-ayunan,” ani Castro.
Lusot na sa Senado at Kamara ang panukalang batas para sa term extension ng mga opisyal ng barangay ng hanggang anim na taon kasama na ang Sangguniang Kabataan.
Sa sandaling pirmahan ni Marcos ang naturang legislative measure, hindi na matutuloy ang Barangay Election sa Disyembre. (LOUIE LEGARDA)
