KUNG pagbabatayan ang datos na halaw sa ulat ng Committee to Protect Journalists (CPJ), nananatiling peligroso ang pagiging peryodista sa bansang Pilipinas.
Kabilang sa mga lugar na tinukoy ang mga bansang sangkot sa digmaan at yaong mga pinamumunuan ng mga diktador.
Pero bakit kasama ang isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas sa World’s Worst Places to Be a Journalist? Dahil nga ba sa bulok na sistema? O baka naman sa kultura? Hindi kaya dahil sa pulitika?
Alinman ang sagot, isa lang ang malinaw — hindi biro ang maging mamamahayag sa Pilipinas.
Kamakailan lang, kabi-kabilang batikos ang inabot ng isang kongresista matapos isapubliko ang mga personal na detalye ng mga mamamahayag na ang tanging hangad ay marinig ang kanyang panig kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon sa likod ng mga flood control projects sa nasasakupang distrito sa Leyte.
Dangan naman kasi, nalagay sa alanganin ang seguridad ng mga peryodista sa kanyang ginawa — ang isapubliko ang screenshots (kung saan nakalantad ang pangalan at telepono) ng mga mamamahayag na ang tanging hangad ay marinig ang kanyang panig sa alegasyon ni Matag-ob, Leyte Mayor Bernie Tacoy.
Ang resulta — dinumog ng text messages ang mga peryodista. May nagbabanta, nagmumura, at samu’t saring pang-aalipusta.
Bigla kong naalala ang isang kasama sa panulat — si Neil Alcober ng Daily Tribune. Hindi biro ang kanyang karanasan sa kamay ng mga umiidolo kay Pasig City Mayor Vico Sotto.
Hindi halos nagkakalayo ang estilo. Nilanggam ng mga pagbabanta at pang-aalipusta ang mamamahayag matapos maglabas ng ulat sa kanyang kalaban sa pulitika.
Sukdulang akusahan si Alcober at ang mga miyembro ng Pamamarisan Press Corps na “bayaran.”
Pati pamilya ni Alcober, nalagay sa balag ng kapahamakan.
Kung tutuusin, walang dahilan para magtampo si Vico kay Alcober lalo pa’t bukas naman ang linya sa pagitan nilang dalawa. Makailang ulit din naman hiningi ng mamamahayag ang panig ni Vico pero deadma si mayor, aniya.
Susmaryosep! Kung hindi ako nagkakamali, marami-rami din naman isinulat si Alcober na maganda tungkol kay Vico bilang alkalde ng lungsod. Pero maski katagang salamat, walang narinig mula kay Vico o kahit man lang sa kanyang mga alipores.
Hindi bago sa mga Sotto ang pulitika. Ilang kamag-anak niya ba ang naluklok sa pwesto? Isa, dalawa? Marami sila.
Sa ganang akin, dapat alam ni Vico na bilang isang public servant na kalakip ng kanyang piniling karera ang kritisismo. Tulad namin, hindi ka perpekto.
Sayang… bilib pa naman ako sa iyo!
