KUNG sadyang nais ng Kongreso bigyang-solusyon ang kakulangan ng silid-aralan sa mga pampublikong paaralan, higit na kailangan bigyan ng emergency powers si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Tingog partylist Rep. Jude Acidre na tumatayong chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, napapanahon na umano baguhin — at kapunin ang red tape sa bisa ng isang simpleng procurement process, bagay na posible lamang aniya kung may sapat na kapangyarihan ang pangulo sa mobilisasyon ng pondo para sa agarang konstruksyon ng mga silid-aralan.
Ayon kay Acidre, na siya ring co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), higit na kailangan tugunan ng pamahalaan classroom shortage sa bansa.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa 165,000 ang classroom backlog subalit sa ilalim aniya ng panukalang 2026 national budget, sapat lang para sa 4,869 silid-aralan ang naka programa para sa naturang proyekto.
Sa pagtataya ng DepEd, posibleng abutin pa ng 55 taon bago tuluyang matugunan ang 165,000 classroom shortage sa mga public schools.
“The evidence from DepEd and EDCOM 2 is clear: the current pace of construction is far too slow. The classroom shortage is not just a statistic—it means children crammed into overcrowded spaces, teachers forced into double or triple shifts, and learning outcomes that continue to decline,” diin ni Acidre.
Samantala, aminado si Education Secretary Sonny Angara sa bigat ng pangangailangan para sa mga silid-aralan, kasabay ng pahayag ng suporta sa rekomendasyon ng nabanggit na kongresista.
Gayunpaman, nilinaw ni Angara na dapat ilakip sa emergency powers ang tinawag niyang “safeguards.”
Sang-ayon naman ang mga kongresista na magkaroon ng extraordinary authority na mayroong kaakibat ng “strong accountability, transparent procurement, third-party monitoring, at regular reporting sa Kongreso.
“Education is the foundation of nation-building. If we cannot even provide classrooms where children can learn, then we are failing an entire generation. This is not just an education issue—it is a national development imperative,” pagtatapos ni Acidre. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
