DAPAT lang. Ito ang bulalas ni House Speaker Martin Romualdez sa pagpapalabas ng hindi bababa sa P6.76-bilyong halaga ng pondo para sa matagal nang hinihintay na emergency allowance ng mga healthcare workers na nagsakripisyo sa panahon ng pandemya.
Partikular na tinukoy ni Romualdez ang aniya’y kahanga-hangang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos na atasan ang Department of Budget and Management (DBM) na ibigay ang nararapat na benepisyo.
“Nagpapasalamat kami sa suporta ng ating Pangulo para sa ating mga healthcare workers. Hindi niya pinabayaan ang ating mga doktor, nars, at iba pang medical frontliners na tapat na nagsakripisyo at patuloy na naglilingkod sa bayan para iligtas ang ating mga kababayan — kahit sila ay pagod, gutom, at malayo sa kanilang mga mahal sa buhay,” wika ng lider ng Kamara.
Aniya, ang mga doktor, nars, at iba pang frontline healthcare workers partikular ang mga nagsakripisyo noong panahon ng pandemya ay itinuturing bilang bagong bayani sa gitna ng pangamba at pagkakaroon ng malubhang sakit dala ng nakamamatay na virus.
“Ang kanilang malasakit at pagiging tapat sa tungkulin ay hinding-hindi natin masusuklian at mababayaran, ngunit dapat pa rin natin itong pahalagahan,” dagdag pa ng pinuno ng Kamara.
Giit ng House Speaker, ang pagbibigay ni Pangulong Marcos ng Health Emergency Allowance (HEA) ay bahagi pa rin ng layunin ng administrasyon isulong ang kapakanan ng ng mga healthcare workers lalo na sa panahong wala nang iba pang pwedeng asahan.
Bilang pakikiisa sa hakbang ng Punong Ehekutibo, tiniyak ni Romualdez ang patuloy na paglikha ng batas na kumikilala sa sakripisyo ng mga tinatawag na “frontliners.”
“Patuloy nating pagagandahin ang mga benepisyo ng ating mga kawani sa mga ospital at pagamutan dahil ito ay nararapat lamang,” dagdag niya.
“We strive to value our healthcare workers—not just as professionals who take care of our countrymen’s health, but as our partners in advancing the healthcare sector. As we forge our way towards a Bagong Pilipinas, we public servants should work hard to make our healthcare workers feel that they can count on the government in their times of need,” pahabol ng Leyte solon. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)

Karagdagang Balita
Pork barrel scam: Enrile abswelto sa Sandigan
Reklamo laban sa mga gov’t officials tapos sa 60 araw?
Kaso vs. DPWH officials swak na sa Ombudsman