
KUNG pagbabatayan ang “kakaibang” ikinilos ng mga raliyistang lumahok sa demonstrasyon sa lungsod ng Maynila noong nakalipas na araw ng Linggo, posibleng higit pa sa kilos-protesta kontra korapsyon ang pakay ng isang grupo — ang maghasik ng gulo bilang bahagi ng isang mas malaking plano.
Pag-amin ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, naglunsad na ng sariling imbestigasyon ang pinamumuang departamento sa hangaring hubaran ang sinumang nasa likod ng pinaniniwalaang destabilization plot laban sa pamahalaan.
Partikular na tinukoy ni Teodoro ang isang grupo ng mga kalalakihang nakakubli ang mukha habang nanggugulo sa idinaos na kilos-protesta.
Aniya, may isang grupo sa likod ng umano’y planadong paglikha ng gulo.
Una nang kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) na nahaluan ng mga “terorista” ang hanay ng mga lehitimong aktibista. (EDWIN MORENO)