PARA sa hanay ng mga manggagawa sa aviation sector, higit na angkop imbestigahan ang maanomalyang Public-Private Partnership deal sa pagitan Department of Transportation (DOTr) at San Miguel Corporation.
Sa isang kalatas, kinastigo ng Samahan ng mga Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP), ang umano’y “nakakasukang” kasunduan kasama ang mga senador at kongresista sa Kamara.
Panawagan ni Gilbert Bagtas na tumatayong pangulo ng SMPP, imbestigahan ang PPP deal.
“Sobrang nakakasuka at nakakapag himagsik ng kalooban kung paano pinagpyestahan ng halos karamihan sa mga taong-gobyerno ang ating buwis… Walang duda, dapat papanagutin lahat ng sangkot, lalo na ang mga taong gobyerno… kasama lahat ng mga Senador at Kongresista,” wika ni Bagtas.
Kamakailan ay bumuo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang imbestigahan ang mga maanomalyang flood control projects.
Pinamumunuan ni retired Supreme Court Justice Andres Reyes ang ICI, kasama sina dating Public Works and Highways Secretary Rogelio Singson, SGV Managing Partner Rossana Fajardo, at si Baguio City Mayor Benjamin Magalong bilang special adviser at lead investigator.
Giit ng mga manggagawa, isama sa imbestigasyon ang NAIA PPP deal dahil sa kawalan ng konsultasyon, minadali at hindi malinaw na pagkakaloob sa SMC, malayang pagtatakda ng mga bayarin ng kompanya, pagkakaloob ng garantiya ng kita mula sa gobyerno, ganap na pagsuko ng regulasyon na dapat hawak ng pamahalaan, at dagdag-singil sa napakalaking taas-singil sa mga pasahero.
Hirit ng grupo, ipawalambisa ang implementasyon sa dagdag-singil sa NAIA mula Oktubre 2024.
Nanawagan din ang SMPP para sa isang kumpleto at malinaw na pagsusuri ng kontrata, termino at implementasyon ng PPP, publikong pagbubunyag ng lahat ng dokumento, bayad, at ulat ng performance, gayundin ang pagpapatawag at pagpapatotoo mula sa lahat ng sangkot na partido.
“Sa patuloy na pagdami ng mga isinasapribadong mahahalagang pampublikong serbisyo, marapat din na silipin ng ICI ang kabutihan nito sa publiko at sa bansa,” saad pa ni Bagtas.
