MATAPOS sumingaw ang umano’y panunuhol, hindi na nagawa pang lumutang ng negosyanteng si Atong Ang sa kauna-unahang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng kaso ng mga tinaguriang “missing sabungero.”
Gayunpaman, dumalo naman si Atty. Lorna Kapunan na tumatayong abogado ng itinuturing mastermind sa pagdukot at pagpatay sa mahigit 100 indibidwal.
Dumating din sa preliminary investigation ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima. Anila, tuloy ang kaso sa kabila ng mga anila’y panunuhol ng kampo ni Ang.
Kabilang rin sa dumalo ang panel of prosecutors, mga idinawit na pulis tulad ni dating NCRPO chief Police Colonel Jonnel Estomo, at ang whistleblowers na si Julie Patidongan alyas “Totoy” at kapatid nitong si Elakim.
Pormal din isinumite ng mga akusado ang kontra-salaysay kaugnay ng nakaambang asunto.
Dumating din si Gretchen Barretto na itinuturong kapural ng isa sa mga testigo.
Kabilang sa mga reklamong inihain laban kay Ang ang multiple murder, kidnapping with serious illegal detention at iba pa.
