
KUNG nais ng pamahalaan pabilisin, gawing simple at higit na maramdaman ang financial support systems ng gobyerno sa mga magsasakang Pilipino, higit na angkop palakasin ang crop insurance at lending programs para matiyak ang “long-term stability” sa sektor ng agrikultura.
Ito ang buod ng mensahe ni House Speaker Faustino Dy III, kasabay ng panawagan sa mga kapwa kongresista makiisa sa sabayang pagsusulong ng reporma sa mga programa para sa mga magsasaka.
Kasama rin aniya sa mga repormang nais niyang makita ang ang mas malawak na proteksyon at access sa pondo ng mga magsasaka.
Para kay Dy, mas mabilis ang pagbangon ng sektor ng agrikultura pagkatapos ng unos kung pabilisin ng Philippine Crop Insurance ang paglabas “claims” ng mga nasalantang magsasaka sa bisa ng “digital system.”
“Hinihikayat naman natin ang mga bangko ng pamahalaan, tulad ng Land Bank of the Philippines, na gawing walang interes at mas simple ang mga pautang sa agrikultura sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga dokumento upang mas madali para sa mga benepisyaryo ng agrarian reform na makakuha ng pondo,” dagdag pa ng House Speaker.
Sa joint hearing ng House Committee on Agriculture and Food at House Committee on Ways and Means on Monday, sinabi ng Isabela solon na malaking tulong sa mga magsasaka na makabangon mula sa pagkalugi matapos na mahagupit ng kalamidad ang kanilang pananim ang mandatory crop insurance at fully digitalized system nito.
“Kailangang magkaisa tayo para sa ating mga magsasaka. Sa agarang suporta at pangmatagalang reporma, titiyakin nating may kinabukasan ang kanilang kabuhayan at may murang bigas ang bawat Pilipino,” pagtatapos ng House Speaker. (ROMER R. BUTUYAN)