PARA lubos na protektahan ang mga magsasakang Pilipino at mapatatag ang rice industry ng bansa, iminungkahi ni House Speaker Faustino Dy III ang muling pagpapataw ng 35 porsyentong buwis sa mga imported rice.
Sa joint hearing ng House Committee on Agriculture and Food, na pinamumunuan ni Quezon 1st District Rep. Mark Enverga at House Committee on Ways and Means, na pinamumunuan naman ni Marikina City 2nd District Rep. Miro Quimbo, nanawagan si Dy sa economic managers ng bansa ipatupad ang nasabing rice tariff rate.
“May I reiterate na kung maaari lang na ibalik natin ang 35% na taripa? Please,” wika ng lider ng Kamara.
Ayon kay Dy, ang pagbabalik sa 35% tariff ay magbibigay proteksyon sa mga lokal na magsasaka mula sa posibleng pagbuhos sa bansa ng imported na bigas.
Giit pa ng Isabela solon, bukod sa iba pang ‘farmer-centered reforms’ na dapat ipatupad ng gobyerno, kinakailangang din baguhin ang tariff system “upang maibalik sa tatlumpu’t limang porsyento ang taripa mula sa kasalukuyang labinlimang porsyento (15%) bilang proteksyon laban sa biglaang pagdagsa ng imported na bigas.”
Sinuportahan naman ni Enverga ang naturang panawagan kung saan sinabi rin niya na ang nasabing rekomendasyon ay nauna na ring isinusulong sa nakalipas na 19th Congress.
“Output po ng Murang Pagkain [Super] Committee in the previous Congress is ibalik natin to 35 ang ating tariff,” paglalahad pa ni Enverga, na ang tinutukoy ay ang five-committee panel na binuo para labanan ang smuggling at price manipulation sa bigas at ang pagpapalakas sa food security ng bansa.
“We join the Speaker in his appeal na ibalik po natin ang 35% tariff,” dagdag ng House panel chair.
Samantala, binigyan-diin ni Dy na ang pangunahing layunin ng kanyang panawagan ay para magkaroon ng balanse sa pagkakaroon ng abot-kayang presyo ng bigas para sa bawat pamilyang Pilipino at matiyak ang pagkakaroon ng sapat na kita ang mga magsasaka. (ROMER R. BUTUYAN)
