HINDI nakalusot sa mga listong kawani ng Bureau of Customs (BOC) ang isang banyagang pasahero sa tangkang pagpupuslit ng droga sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng BOC-NAIA, nabisto ang pansin ang kaduda-dudang kinikilos ng isang banyaga mula sa Addis Ababa (Ethiopia) matapos sitahin hinggil sa bitbit na bagahe sa arrival area.
Nang isailalim sa pagsusuri gamit ang x-ray scanner, lumitaw ang isang imaheng nagsilbing hudyat para buksan ang laman ng bag. Dito na tumambad ang 6.25 kilo ng kontrabando.
Para makasiguro, isinailalim sa pagsusuri gamit ang Raman Spectrometer ang nasabat ng kontrabando. Ang resulta — positibong shabu na may tinatayang halagang hindi bababa sa P42.5 milyon.
Agad naman isinalin sa Philippine Drug Enforcement Agency ang kustodiya ng banyagang pasahero at maging ang nakumpiskang droga para sa pagsasampa ng karampatang kaso.
