NANAWAGAN ang Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism (PCEDM) at iba pang medical groups ng mas inklusibong workplace policies para sa mga Pilipinong may diabetes.
Kasabay ng taunang paggunita sa World Diabetes Day, nanindigan si PCEDM President Dr. Lora May Tin Hay na hindi dapat maging hadlang sa trabaho ang pagkakaroon ng diabetes kung may sapat na gamutan at suporta mula sa pamilya at mga employer.
Binigyang-diin naman ni Dr. Lourdes Ella Santos ng Philippine Heart Association at Dr. Maria Cristina Macrohon-Valdez ng Stroke Society of the Philippines na malaki ang pagkakaugnay ng diabetes sa mga sakit sa puso at stroke.
Samantala, nilinaw ni Dr. Ricardo Francisco Jr. ng Philippine Society of Nephrology na isa rin ang diabetes sa mga pangunahing sanhi ng pagkasira ng bato.
Batay sa datos ng Department of Health, ang diabetes mellitus ay nananatiling ikalimang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas na naitala noong 2023 at 2024. (CESAR MORALES)
