BAHAGYANG bumaba ang bilang ng mga kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) sa huling bahagi ng nakalipas na taon.
Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), nakapagtala ang kagawaran ng 4,277 bagong kaso HIV mula Oktubre hanggang Disyembre 2025.
Sa naturang bilang, 4,038 lalaki, habang 239 naman ang babae.
Pinakamarami ang kaso ng mga indibidwal na edad 25–34 na may 1,929. Nasa 1,361 naman ang edad 15–24 habang 15 naman ang mga batang wala pang 15-anyos.
Sa datos ng DOH, mas mababa ang naturang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng HIV kumpara sa 5,583 kasong naitala mula Hulyo hanggang Setyembre ng parehong taon.
2025, ngunit umabot pa rin sa average na 47 kaso kada araw sa Quarter 4.
Mayroon din umanong 1,069 pasyente na may advanced HIV.
Sa kabuuan, umabot na sa 163,454 ang naitalang kaso mula 1984 hanggang 2025.
Samantala, mas marami rin ang naghahanap ng tulong, kabilang ang 4,760 bagong nag-enroll sa Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP), ayon pa sa DOH.
