MATAPOS mangako na ibabalik sa gobyerno lahat ng tinamasang yaman na bunga ng katiwalian sa pamahalaan, pormal na nag-apply bilang state witness si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.
Pag-amin ni Brian Hosaka na tumatayong tagapagsalita ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), hindi nakadalo sa pagdinig si Bernardo dahil abala sa pag-aapply para sa Witness Protection Program (WPP).
“Nabanggit din po sa sulat na siya po ngayon ay nag-apply sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP),” wika ni Hosaka.
“Dito po, sa batas na ito, ay pinaliwanag niya that there is a confidentiality clause or provision wherein siya po ay ipinagbabawal na mag-disclose ng anumang impormasyon na konektado sa kanyang application bilang pagiging state witness,” dagdag ng ICC spokesperson.
Una nang ibinahagi ni Senador Sherwin Gatchalian ang plano umano ni Bernardo ibalik ang perang natanggap mula sa kanyang kickbacks sa flood control projects.
“Well, yun ang ano, kinukumpara ko siya kanina kay Zaldy Co. At a very minimum, si Mr. Bernardo ay unang-una nandito sa Pilipinas, hindi siya tumakbo. Pangalawa, kita ko doon sa kanyang statement meron siyang remorse o humihingi siya ng tawad sa taumbayan at ibinalik niya yung kanyang mga ninakaw,” ani Gatchalian sa isang panayam sa radyo.
Aniya, bahagi ng proseso sa aplikasyon para maging state witness ang tinatawag na “restitution.”
“Remember doon sa para maging state witness ka, kailangan mayroong restitution. Di ba? Party yan eh. Yan yung matagal na usapan. Pinagdebatehan halos isang oras yun,” ani Gatchalian.
“Yung Memorandum of Agreement na kanilang pipirmahan ay andun yung restitution. Ibig sabihin, ibabalik. At least pledged na ibabalik. So mayroong ganun na ibabalik.
“At pangatlo, po meron ba siya ng, at state witness siya, nandito siya. So in other words, malaking posibilidad. Hindi ko naman sinasabi completely na accurate yung sinasabi niya. At least malaking posibilidad yung mga sinasabi niya,” pagtatapos ng mambabatas. (ESTONG REYES)
