HINDI sa lahat ng pagkakataon mananaig ang pagiging magkadugo. Ito ang pasaring ni dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo sa aniya’y posibilidad sa sandaling magipit si former House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang panayam sa Bilyonaryo News Channel, partikular na tinukoy ni Panelo ang aniya’y pwedeng gawin ni Romualdez na pinaniniwalaang utak sa likod ng flood control scandal, sa kanyang pinsan na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Panelo, nasa “survival mode” si Romualdez at iba pang personalidad nakaladkad sa flood control scandal.
“Eh sa tingin ko survival mode lahat yan eh. Magtuturuan lang lahat ng mga yan. Pero at the end of the day, they will be all jailed kasi people are revolting now. Galit sila eh, maniwala ka,” wika ni Panelo.
Paliwanag ni Panelo, nalagay sa peligro si Romualdez matapos patotohanan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ang pagtanggap ng male-maletang pera bilang SOP sa mga proyektong pinondohan sa bisa ng unprogrammed funds na mula sa budget insertions.
“Kung gagawin niya yan, tapos na ang boxing, game over na,” aniya pa.
“Bakit naman hindi? Survival mode nga, di ba? ’Pag mamamatay ka na, manghihila ka na. Hihilahin mo na ang mga tumutulong sa yo eh.”
