SA lawak ng katiwalian sa flood control scandal, hindi malayong umapaw ang Quezon City Jail kung saan planong ikulong ang mga sasampahan ng kaso.
Sa datos na ibinahagi ni Senador Panfilo Lacson, hindi lang 1,200 indibidwal ang sinasabing sangkot sa flood control scandal, batay sa pagtataya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Lacson, ang pagtatayang inilabas ng ICI ay base lamang sa 420 ghost projects na nabisto mula sa 8,000 sinuri ng komisyon.
Ibinahagi rin ng senador na pumalo na sa 472 ang kabuuang bilang na mga nadiskubreng flood control projects – at inaasahan pa ang pagtaas ng naturang bilang bunsod na rin ng mga impormasyong natatanggap ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa — kabilang ang mga lalawigan na kontrolado ng dinastiya.
“Napakalawak kaya di lang 1,200 ‘yan. Baka umabot ng 2,000 mahigit,” ani Lacson.
Samantala, iginiit ni Lacson na hindi dapat madaliin ang aksyon laban sa mga posibleng sangkot, basta’t hahantong ito sa kanilang pagsasakdal, pagkakakulong, at pagpaparusa. (ESTONG REYES)
