PARA sa agarang ikadarakip, naglaan ng isang milyong pabuya ang Department of Justice (DOJ) para sa ulo ni Cassandra Li Ong — ang pangunahing akusado sa kasong Qualified Human Trafficking kaugnay ng sinalakay na illegal POGO hub sa Pampanga.
Sa isang pulong-balitaan, kinumpirma ni Justice Secretary Fredderick Vida ang pagbibigay ng gantimpala para sa tamang impormasyon ng kinaroroonan ni Ong.
Si Ong, na kabilang sa mga corporate executives ng Lucky South 99, ay kapwa akusado ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na una nang hinatulan ng habambuhay na pagkakulong ng Pasig City Regional Trial Court.
Bukod sa pabuya, kanselado na rin ang pasaporte ni Ong na kasalukutang tinutugis ng Interpol sa bisa ng Red Notice na hiling ng pamahalaan.
Hinggil sa ulat na nasa Japan si Ong, sinabi ni Sec. Vida na makikipag-ugnayan ang kagawaran sa Japan.
Samantala, tiniyak ng DOJ na hindi titigil ang kagawaran hanggat hindi nadarakip ang akusadong pugante.
Sa isang kalatas, inamin ng DOJ na hindi magiging madali ang pagtunton kay Ong na posibleng lumabas sa bansa gamit ang tinatawag na “backdoor.” (JULIET Q. PACOT)
