MASUSING pinag-aaralan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paraan para pagkasyahin sa 10 hanggang 12 oras lang ang taunang tradisyon sa Quiapo — ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa nakatakdang idaps sa Enero 9.
Pag-amin ng NCRPO, hindi magiging madali para sa pulisya ang pagpapanatili ng kaayusan sa ruta ng Nazareno — Quirino Grandstand papunta sa Quiapo Church, na karaniwang umaabot ng higit 20 oras.
Sa rekord ng lokal na pulisya, taong 2024 nang makapagtala ng pinaka mabilis na prusisyon na tumagal ng 15 oras.
Kabilang sa kinokonsidera ng NCRPO ang direktang pagtulong ng pulisya sa paggalaw ng andas sa 5.8-kilometrong ruta sa lungsod ng Maynila. Sa gayung paraan anila, posibleng mas mapabilis pa ang usad ng prusisyon.
Bukod sa mga pulis na nakatalaga sa 12 segments, ilang opisyal ang tutulong sa direktang paghakot ng andas upang maiwasan ang pagkaantala. May ilang pulis din anilang nagboluntaryo bilang hijos upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan sa paligid ng andas.
Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, layon ng hakbang ang mas maayos na crowd management at control.
Samantala, hindi bababa sa 18,000 pulis ang inaasahang ide-deploy para sa taunang tradisyon. Kabilang sa mga ikalalat sa lungsod ng Maynila ang support group mula sa Central Luzon, Calabarzon, at Special Action Force.
Paalala ng NCRPO sa mga deboto na huwag gumamit ng face coverings tulad ng helmet, face mask, cap, o balaclava sa prusisyon. (LILY REYES)
