SA bisa ng isang mandamiento de arresto mula sa husgado, dinakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang convenor ng United People’s Initiative (UPI) na si retired Major General Romeo Poquiz sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa impormasyong ibinahagi ng CIDG, sadyang inabangan sa paliparan ang eroplanong sinakyan ni Poquiz mula sa Bangkok, Thailand.
“Dumating yung eroplano natin coming from Thailand is 8:11 a.m., 8.30 a.m. yung expected natin na dating niya, kaso napaaga yung dating ng eroplano,” wika ni Police Colonel John Guiagui na tumatayong hepe ng CIDG-National Capital Region.
Pagtitiyak ni Guiagui, dumaan sa tamang proseso ang pag-aresto sa heneral na kabilang sa talaan ng mga militar na lumagda sa isang manifesto na nagtutulak sa pagbibitiw sa pwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kasagsagan ng mga kilos-protesta kaugnay ng malawakang katiwalian na mas kilala sa tawag na “flood control scandal.”
“Binasahan natin siya ng Miranda Rights niya. Pinaalam natin ‘yung warrant of arrest for inciting to sedition, which was ang nagbigay nito is ‘yung sa Quezon City Regional Trial Court 77,” ayon pa sa opisyal.
Samantala, kinondena ni Atty. Ferdinand Topacio na tumatayong abogado ni Poquiz, ang pag-aresto sa retiradong heneral.
“Ito po ay talagang very obvious na tinatakot po ng administrasyon na ito ang kanyang mga kritiko. Ito po ay ginawang sampol si General Poquiz na kapag ikaw ay nagsalita laban sa gobyernong ito, ito ang sasapitin mo,” anang abogado. (EDWIN MORENO)
