TINABLA ng Department of Justice (DOJ) ang hiling ng kampo ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na magbigay ng impormasyon kaugnay ng sinasabing warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kanya.
Sa online post, isinapubliko ng abogado ni Dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon ang liham ng DOJ dahil nararapat umanong malaman ng publiko ang opisyal na posisyon ng ahensya.
Ayon kay Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, hindi maaaring magbigay ang DOJ ng anumang payo o gabay ukol sa usapin bilang pagsunod sa judicial courtesy na iginawad sa mga korte.
Paliwanag ng ahensya, napagtuunan na ng Korte Suprema ang isyu ng umano’y ICC warrant nang tanggihan nito ang kahilingan ng kampo ni Dela Rosa na pilitin ang pamahalaan na ilabas ang nasabing dokumento.
Humiling si Torreon ng kumpirmasyon at paglilinaw kung may natanggap na anumang komunikasyon ang DOJ mula sa ICC o Interpol kaugnay ng umano’y warrant of arrest, red notice, o surrender request laban sa senador.
Inaalam din ng kampo ni Dela Rosa kung may naging koordinasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) at kung may inilabas na kautusan ang DOJ sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration, at Philippine National Police (PNP).
Una nang ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla noong nakaraang taon ang paglabas na umano ang ICC ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng sinasabing pagkakasangkot ng dating hepe ng pambansang pulisya sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon. (JULIET PACOT)
