NANINDIGAN ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa umano’y taktika ng China na naglalayong busalan ang Pilipinas sa mga kaganapan sa West Philippine Sea.
Partikular na tinukoy PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang pahayag ni Guo Wei, deputy spokesperson ng Chinese Embassy to the Philippines.
Una nang iginiit ni Wei na kahit anong sabihin ni Tarriela ay patuloy nilang ilalahad ang “katotohanan” para maiwasan ang tinawag niyang “miscalculation” sa relasyon ng dalawang bansa.
Para kay Tarriela, malinaw na naiinis at natatakot na ang China pagdagsa ng suporta mula sa iba’t ibang bansa para sa isinusulong na “transparency” sa mga insidente sa loob ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Aniya, patuloy na igigiit ng lupon ng bantay-dagat ang karapatan ng Pilipinas sa nasasakupang teritoryo, alinsunod sa 2016 Arbitral ruling na una nang nagbasura sa pag-angkin ng China. (JULIET PACOT)
